Showing posts with label gary granada. Show all posts
Showing posts with label gary granada. Show all posts

Tuesday, April 8, 2008

Ang Lupang Ito

by Gary Granada
(Download MP3)

Simoy ng bukid at hamog sa linang
Luntiang paligid ang aking kinagisnan
Mahal na magulang at mga anak ko
Dito isinilang sa lupang ito

Sa init na labis at salat na ulan
Dinilig ko ng pawis ang lupang tigang
Binhi ay sumibol, nag-usbong, nag-uhay
Nagbunga at bumuhay ng maraming buhay

Ngunit dumating ang araw
Ang lupa'y naagaw at nasiil
Ng mga dayuha't banyagang
May mahiwagang dokumentong papel

Ang aking paniwala magmula pa noon
Iba sa panukala na nakasulat doon
Ang sinabi ng pari ay di raw totoo
Na Dios ang may-ari ng lupang ito

Sa aking bulong at sigaw
Tangis at hiyaw at walang nakinig
Ngunit sa kataastaasan
Ang katotohanan kailanman'y di lingid

Ang Dios ng pag-ibig at kapayapaan
Dios din na hukom, Dios ng katarungan
Babalik na ang hari, magsusulit kayo
Sa tunay na may-ari ng lupang ito

Saturday, April 5, 2008

Pagsamba at Pakikibaka

By Gary Granada
(Download MP3)

Ang pagsamba at ang pakikibaka
Pagpupuri at ang pakikipagkapwa
Ang pagsamo at pakikisalamuha
Sa pangalan niya

Alang-alang sa kanyang kadakilaan
Ang katarungan at kapayapaan
Alang-alang sa kanyang kaluwalhatian
Ang kalayaan ng sambayanan

Pagsasapamuhay ng ating pananalig
Bunga ng pinakadakila niyang pag-ibig
Ang gawa ng pananampalataya
Sa pangalan niya

Alang-alang sa kanyang kadakilaan..

Si Kristo'y sapat at ganap na kaligtasan
Ng ating kaluluwa at lupang katawan
Kung mahal natin ang Dios
Ang dukha't nagdarahop
Ang api at hikahos
Sa pangalan ni Hesus
Kalingahin na

Monday, March 31, 2008

Manggagawa

By Gary Granada
(Downdload MP3)

Kung ang ulo niya'y masagi sa balikat mo kaibigan
Ikaw na sana ang marunong umunawa
Ibig lamang maidlip ang lamog na katawan
Ng isang pangkaraniwang manggagawa
Sa maraming pabrika ang pahinanteng tulad niya
Ay palipatlipat na namamasukan
Sa lamig ng magdamag, pagod niya'y sinasagad
Sa munting paghahangad na mabuhay

Kulang ang maghapon upang makaipon
At makakaahon ang isang dukha
Kulang din ang pawis kahit labislabis
Kung ang nagnanais ay maralita

Natutunan niyang hamakin ang sakit at sakuna
Tatlumpu'tpitong taon na siyang nasanay
Sa matang namumutla ay inyong mapupuna
Siya'y mamamatay sa kakahanapbuhay
Sa mga nagpapaluwal ang sahod niyang butalbutal
Nasanla nang matagal sa kagipitan
At kahit siya magpapagal, pilit mang isusugal
Ang hapo at nangangatal niya nang laman

Kulang ang maghapon..

Samantalang may isang panginoong maykapital
Ang nagdiwang at nagdaos ng hapunan
At kabilang sa hapag ng panauhing pandangal
Ang tanyag at ang banal sa ating lipunan
Halos ang bawat isa'y makapangyariha't matagumpay
Dahilan sa isang taglay na katangian
Ang matibay na loob na magsawang mabusog
Habang may nangangatog sa hapdi ng tiyan

Kulang ang maghapon..