Sinulat Ni Carena Marte Murillo
Sa dinami-dami ng mga salita na ating ginagamit sa araw-araw, ang salitang ito lamang ang laging nakakapagpapaalaala sa akin ng kagandahan ng buhay. Ito rin ang salitang sumusubok sa aking katatagan. Sabi nila ang salitang ito ay maraming kahulugan mabuti man o masama. Ito halos ang dahilan ng lahat ng taong nabubuhay kung bakit sila natututong lumaban o magparaya. Hindi ko pa lubos na nauunawaan noon ang kahulugan ng salitang ito at lalong hindi ko nasisiguro kung meron nga nito. Ngunit halos lahat ng tao ay mariringan mo na binabanggit ang salitang ito sa ibat-ibang pamamaraan. Ang salitang iton rin ang dahilan kung bakit ang tao ay nakararamdam ng ligaya, kalungkutan, paninibugho, pagpaparaya, kasakiman, at pagkabigo. Ang salitang ito ay maari mong madama maging ukol sa kalikasan o sa bayan.
Lumaki ako sa tahanang punong-puno nito. Simula sa aking mga magulang at mga kapatid, ibinigay nila ito sa akin ng walang pag-iimbot. Subalit natakot ako at nalungkot sa aking mga nakita sa labas. Marami pala ang mga pinagkaitan nito. Sa kabilang banda, mayroon din na mga mapaglaro ukol sa salitang ito.
Nagdaan ang panahon at ako ay natutong makipagbuno sa agos. Nandoon din ang mga pagkakataon na ako ay umiwas upang hindi ko maranasan ang masaktan o makasakit. Masyado akong naging mapagtangol sa aking sarili. Subalit ang katotohanan ng aking pag-iwas ay ang karuwagan. Ako ay naging duwag na makaranas ng pighati.
Merong isang kaibigan ang nakapagsabi sa akin na malalaman mo lang ang tunay na kahulugan ng salitang ito kung ikaw ay masasaktan. Subalit ayaw kong masaktan kaya mas pinili ko ang umiwas. Sa di sinasadyang pangyayari na dulot ng pagkakataon, ang aking kaibigan ang naging salamin ko ng masamang bunga ng salitang tinutukoy ko. Masyado syang naging bigo dahil dito.
Ngunit sadyang hindi mo masasabi ang agos ng tadhana. Isang tao ang pumukaw nito sa akin. Ni hindi sinasadya o pinilit. Isang araw ay naramdaman ko na lang na ako pala ay hindi kasing manhid o duwag ng katulad ng iniisip ko. Dahil sa kanya, natuto akong lumaban, manindigan, umasa, magtiwala at makita ang kagandahan ng buhay na hindi ko pa nakita. Natutunan ko kung paano ang umibig.
Ang dating payak at walang panganib na pamumuhay ay napalitan ng pakikipagsapalaran. Natuto akong makibaka. Natuto akong maging matatag. Subalit nandodoon pa rin ang pangamba. Nandodoon pa rin ang takot na ako ay masaktan. Ang tanging nagsisilbing lakas ko upang mapaglabanan ang lahat ng ito ay ang aking kabiyak. Kung wala siya, hindi ko alam kung saang direksyon ako babaling.
Natuto akong magmahal. Hindi ko man ginusto na ito ay matutunan, nagising na lang ako isang araw sa katotohanan na ito na pala ang nagpapagalaw sa aking buhay.
Ayaw kong matutunan ang magparaya. Hindi ko gagawin ang magparaya at isuko ang taong pinakamamahal ko. Sa kanya umiikot ang buo kong pagkatao. Sabihin man ng iba na ako ay sakim, hindi ako makakapayag na may ibang umangkin ng pag-ibig na dapat ay nakalaan lang sa akin.
Kasakiman ba na ipagtangol ang tahanan na aming itinayo? Marami na ring nagdaang bagyo ngunit ang tahanan na ito ay nakatayo pa rin. Patuloy itong mananatili hangang ito ay nakasalig sa pag-ibig. Kung ano man ang pinagdadaanan namin ngayon, alam ko na ito ay aming mapagtatagumpayan na magkasama.
Wednesday, April 30, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment